Criselda David
Criselda David
Sadya totoo na ang subok na serbisyo-publiko ay nagsisimula kapag ang pangunahing pangangailangan ng mga mamamayan ang siyang prayoridad ng mga lingkod-bayan sa ating bansa.
Sa totoo lang, sa dami po ng mga dapat unahing problema ng ating bansa, particular sa ating lalawigan, ang pagpapasya ang siyang pinakamalaking "challenge" sa kanila. Dahilan kasi ito ng malimit na mas malaki ang pangangailangan ng ating mga kababayan kaysa sa mga pinagkukunan o mga resources ng ating mga lokal na pamahalaan.
Sa ganitong sitwasyon, nararapat lamang na kanilang samantalahin ang lahat ng mga oportunidad para mai-maximize ang lahat ng kanilang mga resources; malapit man o malayo, malaki man o maliit. Nararapat lamang nilang paunlarin ang kanilang mga manpower capabilities at higit sa lahat, ang kanilang mga pasilidad para makapagbigay ng mas mabilis, mas maayos at mas maaasahang serbisyo-publiko.
Ayon sa pinakahuling survey na isinagawa nang World Bank sa ating bansa, lumabas na nasa tatlumpong porsyento ng mga Pilipino ang nakakaranas ng pagkagutom samantalang kalahating porsyento naman ang itinuturing ang sarili nila na lapat o sayad sa kahirapan.
Sa gitna nang pagtulong ng pambansang pamahalaan na maresolba ang krisis na ito nang kahirapan, marami pa ring mga sektor sa ating lipunan na nangangailangan ng karagdagang-tulong.
Sa puntong ito, marapat lamang na maipahatid ng ating pamahalaan na sa gitna ng kahirapan ay palaging mayroong pag-asang naghihintay. Tunay at marapat lamang na bumalik sa taumbayan ang buwis na ating pinagbabayaran, na nararapat lang na mapunta sa taumbayan at hindi sa bulsa ng iilan.
Sadyang ang mga mamamayan ang 'di mauubusang bukal ng pag-unlad ng ating bayan, at ang hamon sa ating mga pinuno, ang isang makataong paglilingkod at pagpapatupad ng mga programang angkop para sa ating lalawigan at sa buong bansa.