Danilo Acosta Lumabas
Gen. T. De Leon, Valenzuela City, Philippines
Ako ay isang guro.
Sinasabing ang pinakadakilang propesyon. Ang maging isang alulod ng kaalaman sa mga mag-aaral. Ang magsilbing tagaugnay ng kasalukuyan sa hinaharap. Ang magsilbing tagahubog ng isang dakilang tao, malamang sa hinaharap. Sa kaso ng isang guro, isang pagmamahal nang matuturing ang ialay ang panahon, dunong at lakas sa pagiging isang alulod ng kaalaman at kalinga sa mga itinuturing nila na ring mga anak. Ang iparamdam ang iyong malasakit at paglingap sa mga mag-aaral, indibidwal man o pangkat, sa mga pagkakataong nangangailangan sila. Ang magsilbing isang nakatatandang kapatid, kung hindi man amang matatawag sa kanila, kahit sa loob ng isang taon. Pagmamahal at paglilingkod na halos nagiging magkasingkahulugan na sa konteksto ng aking propesyon.
Ito ay isang bokasyon. Isang paglilingkod. Higit sa ano pa man , ito ay isang pagtugon sa isang tawag. Ang pagmamahal na wagas ay hindi naghihintay ng anumang kapalit. At ito na ang magiging habambuhay na pasanin ng isang gurong tulad ko, sampu ng mga tulad kong kaisa ng propesyon at paniniwala. Ito ay ang mga pagkakataong makatagpo ng ilan na sa isang masakit na salita’y isang ingrato, walang utang na loob. Oo isang kababawang matatawag ng ilan, ngunit kung ang kababawang ito ang makapagpapaligaya sa akin, nanaisin ko nang maging isang baliw, manhid sa sakit na maaaring maramdaman, sapagkat busog sa katotohanang ako ay nakapaglingkod.