Jethro Tenorio

"Piliin mo lagi ang pagod na kaya mong tulugan sa gabi."

Hanggang sa kasalukuyan, mahimbing pa naman ang tulog ko. Pinili kong magturo dahil bata pa lang ako, alam ko nang dapat akong maging guro. Pinili ko ang Ateneo de Manila dahil naniniwala ako sa paghubog ng isang pwersa ng pamunuang may puso para sa kapwa at sa bayan. Pinili ko ang teatro dahil gusto ko pang unawain ang mundo. Pinili kong magmahal dahil...uhm... Bakit nga ba ako nagmamahal? Siguro dahil sa pagmamahal lang nagkakaroon ng saysay ang buhay. Sa pagmamahal ako natututong umasa. Sa pag-asa ako natututong magpatuloy.

Nakakapagod magturo, lalo na sa Ateneo, dahil hindi lang boses at utak ang puhunan; puso rin. Nakakapagod magteatro, dahil madalas akong umuuwi na bugbog ang katawan, damdamin at isipan. Nakakapagod magmahal, at nakakapagod ipaliwanag kung bakit. Pero kaya ko ang pagod na ito. At maghahangad ako nang maghahangad na makatulog nang mahimbing, dahil sa ganitong paraan lamang ako magkakaroon ng lakas para muling magpakapagod.