Kaymart Ambas Martinez

Kaymart Ambas Martinez

Kaymart Ambas Martinez po! Labingsiyam na taon nang nakikipag-agawan ng oxygen sa mga hayop at halaman sa daigdig. Kawawang daigdig, walang mapapala sa akin. Produkto ng isang konserbatibong pamilya (sabi nila). Nagmula sa “Land of the Flying Mammals”, ang Atimonan, Quezon. Kumukuha ng kurso sa pagka-inhinyerong sibil. Regular pa. Salamat sa Kanya. Kasalukuyang nasa ika-anim na semester. Masigasig sa pag-aaral. (weh?) Minsa’y gipit kaya nangongopya. Pero kapalaran ay mananatili sa sariling palad niya.

Paborito at sumasabay sa kanta ng mga bandang Owl City, A Rocket to the Moon, Stereo Skyline, Simple Plan, at Somedaydream. Tagabasa at tagasunod nina Eros Atalia, Bob Ong, Vlad Gonzales, Kiko Ansing at Jay Panti. Pinakikinggan ang mga programa sa radyo nina Nicole Hyala, Chris Tsuper, Emma Harot, Diego Bandido, Chico Loco, Biboy Bibbo, Pakito Jones, Sir Rex Kantatero, Papa Jack, at Chacha. Marunong at naaadik sa laging nagbabagong Facebook at Tumblr. Bilang isang introvert, hilig ang makipagtext. Kolektor ng BANDS Magazine, ng Myx Magazine (back-issues lang ang kaya ng budget), ng mga literaty works/digest mula sa school, ng pinagkagastusang mga tickets (gigs, variety shows, pati pa-raffle sali mo na rin), at ilang mga memorabilia mula sa iba’t ibang tao at iba’t ibang lugar. Kahit mga card (kahit plastic yun) sa likod ng Milo, minsa’y tinalo. Nagpapakadalubhasa sa paggawa ng mga doodle pero mas trip lagyan ang mga ito ng kulay. Kung dati’y CrayPas ang gamit na instrumento, ngayo’y enjoy laruin ang kinalakhang Crayola. Ang mga gag shows tulad ng Banana Split, Bubble Gang, Goin’ Bulilit, at Loko Moko ay pinagpupuyatan tuwing weekend. At pag may pagkakataon, nanunuod rin ng mga teleseryeng minsa’y nakakapagpaluha tuwing weekdays bago matulog (hindi man lang magbubuklat ng notes? Katamad naman!).

Ayaw sa mga taong mas makalat pa sa kanya. Hindi trip mayukos ang mga pahina ng mga kinokolektang libro kaya bibihirang (o sige na nga, hindi) ipahiram ang alin man doon. Ayaw sa mga taong plastic kahit na pwedeng pagkakitaan ang mga iyon dahil agad na lulutang kapag ang baha’y nanalasa.